Madaling Maging Guro, Mahirap Maging Tao

Paano ba maging isang guro? Kailangan mo lang bang maging magiliw sa mga bata? Maging maunawain? Dumalo sa seminars at magkaroon ng maraming sertipiko o katibayan? Gumawa ng lesson plans? O kailangan mo lang pumasa sa LET at maging lisensyado? Paano nga ba maging guro? Pero higit sa lahat, paano ba? Paano maging tao?

Ayaw ko nang manatili sa isang kahon…

Mula pagkabata ay sa puder na ng aking lola ako lumaki. Kung ano ang pananaw ko sa kung ano ang tao ay nakabatay sa kung ano ang naituro sa akin ng mga matatanda sa amin. Lumaki ako na ang sinusundang daan ay kung ano ang kumbensyunal at naaayon sa kung ano ang nais ng nakatatanda na malaman ko. Sobrang limitado ang lahat ng natututunan ko. Napakarami kong tanong ngunit mas marami ang bawal. Bawal magsalita o magtanong habang gumagawa sila ng leche flan, gulaman, tikoy, kalamay at kung anu ano pang kakanin. Bawal galawin ang mga naka-display na laruan. Bawal sumabat sa usapan ng matatanda. Bawal lumabas kapag tanghali para maglaro. Bawal makialam. Bawal maki-alam.

Lahat ata ng pagbabawal sa mundo ay narinig ko na sa kanila. Madalas akong umiyak sa tuwing napagsasabihan ako. Hindi naman kasi nila nililinaw kung bakit bawal. Ang madalas nilang sagot sa akin ay ‘basta’. Basta, ano? Pwede naman nilang sabihin sa aking bawal magsalita kapag nagluluto dahil baka matalsikan ng laway ang pagkain; maiintindihan ko naman yon. Palagi akong pinagbabawalang magsalita, tapos magtataka sila ngayon kung bakit ako tahimik at mahiyain. Gusto ko silang sumbatan, ngunit bawal.

images (1)

Apat na taong gulang ako ng ipasok nila ako sa paaralan. Dito ko inilabas ang mga hindi ko magawa sa bahay. Naging aktibo akong bata; naging buwaya ng recitation; naging bibo sa math; naging mananayaw; mananalumpati; naging manunulat; nagkaroon ng mga kaibigan; at naging masaya. Dito ko natutunan ang hindi ko natutunan sa kanila. Dati rati ay Pasyon lang ang kaya kong basahin ngayon ay may alam na ako tungkol kay Shakespeare. Kung ano ang hindi naituro sa akin ay sa mga libro ko itinatanong. Mula sa pagiging manika na sunud-sunuran sa kung saan nila ako akayin, unti-unti ay nagkakaroon ako ng buhay, nagkakaroon ng saysay.

School-Picture

Dahil dito, lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng aking mga naging guro na gumabay at nagpalaki sa akin mula sa aking ina na aking unang guro, hanggang sa lahat ng aking mga guro sa kolehiyo. Dahil din dito, kaya ninais kong tahakin ang landas ng isang guro.

Paano ba maging tao?

Sa paglipas ng panahon, napag-aralan kong masasabi kong tao ako dahil kabilang ako sa mga Homo sapiens sapiens, meron akong cranial capacity na 2,000cc, nakakapaglakad ako gamit ang dalawang paa lamang nang pangmatagalan, ang mga mata ko ay matatagpuan sa harap ng aking mukha, mayroon akong isang pares lamang ng suso, nagagamit ko ang aking mga kamay sa paggawa ng maraming bagay, at mayroon akong kultura. Naiiba raw ang tao dahil sa pagiging malikhain ng mga ito. Bagamat may iba’t ibang abilidad ang ibang hayop—nakakalipad sila, nakakatakbo ng mabilis, atbp.—hindi pa rin nila mapapantayan ang kakayahan nating maging malikhain. Bahagi ng ating kultura ang mga wika. Tayo lamang mga tao ang may sisyematikong uri ng komunikasyon. Ang mga tao ay nakakaintindi ng mga bagay o ideyang abstrak tulad ng pag-ibig, kalayaan, katarungan, katotohanan at panimdim.

science-behind_human-body_575x473

Akala ko sapat na ang lahat ng ito para masabing tao ka. Hindi pala. Kahit na mayroon ka ng lahat ng ito, kung wala ka namang political rights at economic rights hindi ka pa rin maituturing na tao. “Man is a political and social animal,” sabi nila. Ang mga tao ay namumuhay ‘in a group for interaction and enjoyment and not merely for doing the task assigned to them by nature.’ Kung baga sa bagay, bihisan mo man ang manikin ng magagarang damit para magmukhang tao, hindi pa rin ito mag-iisip, makikipamuhay, o gagalaw tulad ng isang tunay na tao.

Nang una kong narinig ito, napaisip ako: anong ibig sabihin noon? Nasanay siguro ako sa pag-aakalang tao nga ako kung kaya’t hindi ko na alam kung paano hindi muna isiping tao ako. Masyado akong nagdunung-dunungan akala ko alam ko na ang lahat ng dapat kong malaman, hindi pala. Ngayon ay nananatili pa rin ako sa isang kahon. Tinuruan nila akong mag-isip nang rasyonal, gawin ang kung ano na ang nagawa noon at huwag tumaliwas sa konbensyon. Dahil dito, imbes na matuto, naging tanga ako. Tanga sa mga bagay na harap harapan ko nang nakikita, hindi ko pa rin maintindihan—dahil hindi ako nag-iisip, o dahil hindi ako naturuang isipin iyon. Ang mga mahihirap at naghihikahos nating mga kababayan ang tinutukoy ko maging ang mga kabataang gustong makapag-aral ngunit hindi makatungtong sa paaralan. Tao rin kaya sila? Tao sila sa pisikal na anyo ngunit may kulang. May napakalaking kakulangan—nawawalan sila ng karapatang mabuhay.

street3a-070072E

Madalas akong ipagmalaki ng mga magulang ko dahil nakapasok ako at nag-aral sa U.P. at nito lamang, sa Southern Luzon State University Lucban. Ngunit marami palang bagay na hindi ko alam. Kung alin pa ang napakaliliit na bagay at kung alin pa ang lagi ko nang nakikita sa lansangan iyon pa ang hindi ko alam, HINDI KO INAALAM. Nakakahiya ako. Naatim kong magbingibingihan, magbulagbulagan, manahimik at manatiling nag-oobserba na lamang sa kung ano ang tunay na nangyayari sa ating kapaligiran at lipunan, manhid. Dahil bulag, pipi, bingi at manhid ako, tao pa rin ba ako? Hindi na siguro. Hindi na ako tao dahil nawalan na ako ng panahong unawain ang hinaing ng mga kababayan natin at ng mga kabataan. Habang namomroblema ang mga mahihirap kung makakakain ba sila ngayong gabi, makakabili ba sila ng pandesal bukas, may babaunin ba sila sa eskwela, ako naman ay nag-aksaya ng mahabang panahon sa pagpapakasaya at pag-iisip kung: Ano ba ang latest model ngayon ng cellphone? Laptop? Ano ang in sa fashion? Kelan ako ulit makakakain sa Sbarro? Kelan ako muling makakapagkape sa Starbucks? Anong latest promo ng Globe at Smart? Unli ka ba? Mag-aunli ba ako? Hindi na ako tao gaya ng akala ko.

images (2)

Maraming kababayan natin ang nagdurusa sa pang-aapi sa kanila at di pagbibigay ng nararapat na benipisyo pero imbes na tulungan sila ay dinadaandaanan lang natin sila at taas noo pa tayong nagsasabing ‘wala tayong pakiaalam’. May mga taong isang beses lang kumain sa buong araw. Ang iba naman ay hindi pa nakakakain buong linggo. Kakarampot lamang ang kanilang sweldo sa maghapong pagkakabugbog ng kanilang katawan sa mabibigat na trabaho samantalang ang ilan sa mga pulitiko na kanilang ibinoto ay nagpapakasasa sa meryendang egg pie at airconditioned na silid.

Kahit mga bata ngayon na ni hindi pa nga alam bigkasin ang kanilang buong pangalan ay nagtatrabaho na sa kalye para lamang makatulong sa pang-aaraw-araw na gastusin ng kanilang pamilya imbes na mag-aral. Andiyan din ang mga magsasaka na inaalisan nila ng prebilehiyo at lalo pang ginigipit imbes na tulungan. Nagtatanim sila ng tubo pero ni hindi sila makabili ng asukal; nagtatanim sila ng mga pinya pero ni hindi pa sila nakakatikim ng pineapple juice; nagtatanim sila ng palay ngunit wala silang maisaing sa pananghalian at  sabaw lang ang pinagtatyagaan nilang kainin. Napaka-ironic pero ito ang totoo. Kapag umangal naman sila sa gobyerno at nagpunta sa rally, imbes na pagtulong at pang-unawa ay mabubugbog pa sila at tatawaging destabilizer.

9563721_orig

Nariyan din ang mga dalagang ina na hindi tanggapin sa paaralan o pilit na pinaaalis sa paaralan o sa kolehiyo dahil nagbubuntis sila nang walang tatayong ama o hindi kasal. Gusto nilang makatapos para sa magigi nilang anak pero hindi sila pinapayagan. Paano ang mga rape victim na tulad ko na hindi makakahanap ng magpapakasal sa akin kung sakali mang nabuntis ako noon? Ang iba marahil dahil ayaw silang tanggapin sa eskwela ay maiisip na ipalaglag na lang ang bata kahit ayaw nila para lamang maipagpatuloy ang pangarap sa mundong mapang-api.

pregnant-student

Naaalisan sila ng political at economic rights kung kaya’t HINDI NA SILA GANAP NA TAO. Sila ang mga nilalang na kung tawagin ay dehumanized. Marami sila sa langsangan, makikita mo sila kahit saan ka lumingon (maliban na lang kung nasa Podium ka o sa building sa Makati o sa loob ng Malacanang). Nagkalat sila pero ngayon ko lang sila napansin. Ngayon ko lang sila pinagtuunan ng atensyon. Ngayon ko lang naisip na kapareho rin ng kalagayan nila ang kalagayan ko noon. Bilang bata ay hindi ko naranasan ang maging bata. Pinagkaitan akong malaro ang aking mga laruan. Ni hindi ko mahawakan ang aking mga manika dahil baka raw masira. Hanggang tingin na lamang ako. Lagi akong pinagkakaitan. Masakit sa pakiramdam ang pagkaitan ng bagay na nakikita mong andyan. Nasa harap mo na pero hindi mo mahawakan. Pakiramdam ko’y sasabog ako. Ito marahil ang dahilan kung bakit naging manhid na ako. Ngunit dahil dito, ngayon ko sila naunawaan. Ngayon ko lang sila minahal.

Abu_ghraib_leash

Nang magkaroon ako ng pagkakataong makiisa sa kanila, makisangkot sa kanilang pinaglalaban, sumigaw kasabay ng kanilang pagsigaw, unti-unti kong naramdaman kung paano maging katulad nila nang walang halong pagpapanggap o para magpakitang-tao lamang. Masakit isiping ang mga mumunting tinig ay hindi natin napapansin at madalas nating baliwalain dahil alam nating hindi naman nila tayo mabubuwag. Ngunit ang mga mumunting tinig kapag nagkasama-sama ay lilikha ng dumaragundong na ingay at makabibingi sa ating mga nagbibingi-bingihan. Nang maranasan kong makipamuhay sa kanila, magsuot ng kung anong suot nila, doon ako nakaramdam ng lubusang ligaya. Wala na akong pakialam kung ano mang sabihin ng mga tao o ng mga guro ko tungkol sa akin o sa ginagawa ko. Masaya akong tumulong dahil alam kong ang tinutulungan ko ay balang araw makapagpapabago ng mundo, masaya akong magutom dahil alam ko na ngayong magutom man ako, may mas mahalaga namang tao ang mabubuhay, masaya akong makibaka dahil ang kapakanan ng mga maliliit at api ang aking isinusulong, masaya na akong makiisa sa mga ipinaglalaban nila, masaya na akong maging masaya sa piling ng mga mumunting bagay na datirati ay hindi ko pinapansin. Unti-unti ko nang nararamdaman ang kaligayahang hindi ko pa nararamdaman noong ako’y isang babaeng nagpapanggap na elitista, propesyonal, tinatawag ang sarili ko bilang guro at nakikipagsiksikan sa puder ng mga high-class pa lamang. Sa paghalik pala sa lupa ko madarama ang tunay na kaligayahan. Mas masaya palang magpakababa at hindi isipin ang sarili dahil sa pagiging mababa ng aking lipad, doon ako nakadarama ng katiwasayan ng loob dahil alam kong sa likod ko, panay ang talang nila sa akin bagamat may pisi, imbes na hilahin nila ako pababa ay itinatalang nila ako pataas. Unti-unti akong itinataas ngunit may pisi pa ring nagdurugtong sa amin.

kite_soaring

Makasarili ako noon at laging nakatingin at nakaabang sa sasabihin ng iba. Ganoon kasi ako pinalaki, kaya siguro takot akong gawin ang mga gusto kong gawin dahil sa iniisip ko pa kung ano ang sasabihin ng iba. Pero balewala na iyon sa akin ngayon. Hindi na ako natatakot kung ano mang sabihin nila. Hindi na sarili ko lang ang iniisip ko ngayon, iniisip ko na ang kapakanan ng mga api. Sila ang nagbibigay sa akin ngayon ng lakas para sumulong, ng lakas para ipagpatuloy ang laban, ng lakas para mabuhay, ng lakas para magtagumpay. Nakakawala ng takot dahil alam ko na ngayon, na ang kapakanan ng nakararami at api ang aking pinaglalaban. Gaya nga ng sinabi ni Mao,

“Only by being selfless can one be fearless.”

Gusto kong kumawala sa kahong pinaglalagyan ko. Gusto kong maging tao.

out_of_the_box

Marami sa atin ang ginustong maging guro dahil idol natin ang dati nating mga guro. Gayun din naman, marami dyan ay napilitan lang. Pero napilitan ka man sa una, alam ko, ngayong andito ka na, minahal mo na ang pagiging guro. Noong nasa kolehiyo ako at nag-aaral pa lamang, hirapang hirapan kami sa dami ng papers at projects na pinagagawa. Nagtanong ang isa kong kasama, “Ma’am para saan po ba ang mga ito?” Ang sagot ng aming propesor, “Basta gawin nyo na lamang iyan!” Ayun, narinig ko na naman ang salitang, basta, at hindi pa yun natapos don, sinabi pa niya, “Kapag kayo’y naging guro na, saka na lamang kayo gumanti.” (tinutukoy niya rito ay yung bigyan din namin ng mahirap na gawain ang aming mga mag-aaral). Ganito ba ang pagiging guro? Andito ba tayo para gumanti? Gumanti sa mga walang kamalaymalay kung bakit natin sila ginagantihan? Power Tripping. Dahil guro na tayo, ang lakas ng loob nating mag-utos, mambulyaw, mambintang, manduro, magsabing, “aba! Walang utang na loob itong batang ito,ah!” Ang pagiging guro ay hindi pagganti, ang pagiging guro ay pagmamahal at pang-unawa.

Kung ang layunin mo ay ang makaganti, guro ka nga. Oo, guro ka… pero, hindi ka na… Tao.

Bilang mga guro at bagong guro, bilang mga propesyonal na maglilinang sa pag-asa ng ating bayan nang buong puso at pagmamahal:

Bago ang lahat, tanungin natin ang ating sarili, gusto ko rin bang maging tao?

Mabuhay ang mga guro! Mabuhay ang mga tulad nating gustong maging tao!

Congratulations fellow Professional Teachers!

Credits to: Teacher Neph

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s